July 2, 2011 - Sabado
4am na yata ako nakatulog kaninang madaling araw at tinanghali na ako ng gising, sakto lang para magtrabahong muli, pati sabado may trabaho, hay buhay! dapat siguro eh baguhin ko na ang aking routine sa buhay, kung haharapin ko ang aking kalagayan, marami akong kailangang baguhin - mag hinay hinay sa trabaho, bawasan ang stress, alagaan ang katawan, magsimulang mag gym, magbakasyon sa probinsya.
kinagabihan, nagtext ako kay Don, kinakamusta ko sya. normally eh mabilis syang sumagot sa mga text ko, pero ngayon eh hindi sya sumagot. matapos kong mag dinner eh nakatanggap akong ng tawag at mga text galing sa mga barkada, lahat eh nag-aayang pumunta sa BED Malate para sa kanilang white party celebrations. nung una parang tinatamad ako at gusto kong matulog na lang pero natatakot akong mag isa ng matagal na walang ginagawa, baka bigla akong malungkot. kaya napagpasyahan kong pumunta na rin sa malate para mag happy happy. nagtext ulit ako kay Don para sabihin ang plano ng barkada, wala talagang sagot, nagworry ako ng kaunti.
habang nasa taxi papuntang malate, bigla kong naalala si Ed, ang aking bestfriend, biglang tumulo ang aking mga luha, pilit kong pinipigilan pero di ko magawa. konti lang naman ang tumulo per may konting pagdaramdam at kirot sa aking dibdib.
si Ed ang nagiisa kong bestfriend mula nung kalagitnaan pa ng 1990s matapos ang aming graduation sa kolehiyo, nakilala ko sya dahil nagkasama kami sa OJT kahit magkaiba kami ng paaralan, mula nuon ay naging matalik na kaming magkaibigan, mabait kasi yun, suuuuuuuper bait nga. matagal na rin syang nakabase sa Mindanao dahil sa kanyang trabaho. madalang na lang kami nagkikita. huli ko syang nakita nung kaarawan ko kung saan lumuwas pa sya ng maynila para makipag celebrate sa birthday ko. madalas nyang gawin yun – ang sopresahin ako pag may mga special celebration sa trabaho at sa personal na buhay ko. kaya naman mahal na mahal ko si Ed, walang kapantay.
naalala ko lang, mababaw ang luha ni Ed, madalas ko na syang makitang umiyak sa maliliit na bagay, pusong mamon-mababaw ang luha. ng maalala ko sya naisip ko ‘anu kaya ang mangyayari kung sabihin ko sa kanya ang HIV status ko?’ bigla na lang akong napaluha sa taxi. siguradong papalahaw sa lungkot ang lola mo. hay baka di ko rin makayanan at bumigay din ako. andaming senaryo na pumapasok sa isip ko. nalulungkot ako sa maaring maramdaman nya.
pagkadating ko sa bed malate, tinext ko si ed:
___
bong: San ka?
ed: Davao. Why?
bong: When r u coming to manila?
ed: Wala pa. Why? Any gimik?
bong: La lang miss lang kita
ed: Will try to join one of the meetings in mla within d month
bong: Okay keep me posted
___
siguro ay nanibago sya ng konti, out of the blue nagtext ako at sinabi ko pa na miss ko sya. ngayon lang yata ako nagsabi sa kanya ng ganun. siguro nakahalata yun ng konti na may problema ako, kilalang kilala nya ako, siguradong alam nya na kailangan ko sya.
ayaw ko naman sabihin sa text, naisip ko rin na ibigay na lang ang address ng blogspot na ito para mabasa nya lahat. pero natatakot akong baka masyado syang maapektuhan at mawindang ang trabaho nya at biglang sumugod sa maynila. malakas pa naman ako, wala pa namang emergency, hihintayin ko na lang syang lumuwas ng maynila at saka ko sasabihin ang sitwasyon ko, sabay na lang kaming iiyak.
saka ko lang napansin, unti unti ng napupuno ang Bed Malate, andaming cute, everytime na may makikita akong type ko, may konting kirot at kalungkutan sa aking kalooban, naisip ko ‘dati nga ang hirap hirap ng makakuha ng mr. right – pano pa kaya ngayon?’ hay buhay.
8 yata kami sa grupo nung gabing yun, halos kumpleto ang mga kaibigan. matagal tagal din akong hindi nakabalik sa Bed, andami kong nakikitang mga dati ng kakilala. naramdaman kaya nila na mas mahigpit kesa sa dati ang mga yakap-bati na ibinabato ko sa kanila? pinipilit kong parati akong nakangiti kahit maraming bagay ang pumapasok sa akin isipan. kasama ko rin sina Jamil at Jimboy nung gabing iyon, pansin ko ang madalas nilang pagsulyap sa akin – parang naninigurado kung okay lang ba ako, paminsan-minsan ay niyayakap ako ng mahigpit. salamat sa kanila.
masaya nung gabing yun, nageenjoy ang lahat sa kakasayaw at sa kwentuhan. nag enjoy din naman ako pero wari ko ay parang medyo matamlay ang aking katawan, di ko alam kung pagod ba ako, o tumatanda na lang talaga ako, o talagang ito lang talaga ang psychological effect ng sitwasyon ko.
medyo nalungkot ako, naisip ko kasi na pag maaga akong namatay, sobrang mamimiss ko ang mga happenings na ganito. kailangan talagang simula ngayon ay alagaan ko ang aking sarili para di ko mamiss ang mga ito. magi-gym na talaga ako sa lunes!
naisip ko rin, sino sino kaya sa mga tao na nasa Bed nuong gabing yung and HIV positive? marami rin kaya kaming nagpapanggap at nagpupumilit na magpakasaya nuong gabing iyon? wala siguro talagang makakasagot sa mga tanong na yan. mukhang lahat naman ng mga tao dun healthy, pati ako mukhang healthy… traydor talaga ang HIV!
alas 5 na yata ng umaga ng makauwi ako sa bahay, pagod na bumulagta sa aking kama, bago ako napapikit naisip ko ‘dapat siguro hindi na ako nagpupuyat ng ganito, dalawang araw na akong puyat. may sakit na ako, baka lalong makasama sa aking katawan.’.
ito ang aking diary
BONG