(part 1) maaga akong nagising ngayon dahil may 730am akong appointment regarding some real estate at call center venture na involved ang kapatid ko na nakabase sa amerika. saglit lang yung meeting namin sa condo na tinutuluyan ko.
matapos umalis ang bisita, nataggap ko ang text ni migs na papunta na daw sya sa lugar ko, pero dahil may bigla pala syang appointment ng 11am, baka hindi nya raw ako masamahan, kaya nagpaalam sya sa akin na humingi daw sya ng tulong sa 2 sa aming kaibigan, na kung pwedeng sila na lang ang sumama sa akin sa pagkuha ng resulta.
nung una ay may kaunting pag-aalinlangan pa ako sa ideya na ibukas sa ibang kaibigan ko ang mga pangyayari kahapon pero dahil nakausap na ni migs sina jamil at jimboy (magboyfriend sila) at alam na nila ang aking kinakaharap ngayon ay hinayaan ko na lamang, tutal malalapit ko rin silang kaibigan, at pasasaan ba - maging anu man ang resulta, sila rin ang una kong pagsasabihan. parehong may karanasan sa counseling at health allied profession sina jamil at jimboy kaya kampante ako na sila ang tunay na makaka tulong sa akin maging anu man ang resulta, lalo pat walang maayos na impormasyon at counseling na nagyari kahapon sa clinic.
dumating si migs at sumakay kami sa kanyang sasakyan, tumuloy kami sa isang coffee shop at duon tinagpo namin sina jamil at jimboy. mukhang bagong gising pa sila, alam kong hindi sila sanay gumising ng maaga, medyo sa loob loob ko’y nakakahiya naman at naaabala ko pa sila. alas 10 ng umaga pa kasi darating si duktora kaya may mga 1 oras pa kaming magpapalipas ng oras. habang kumakain ng almusal at naghihintay ng oras sa ay isinalaysay ko sa tatlo lahat ng pangyayari kahapon sa clinic at sa trabaho ko. pareho ng aming nararamdaman ni migs kahapon, may mga pangamba sa isipan nina jamil at jimboy pero pilit pa rin nila itong iwinawaksi at umaasa sa iba pang mas magandang eksplanasyon sa mga pangyayari kahapon. partikular si jimboy sa pagsasabing maging positibo man ang resulta ay malaki pa rin ang tsansang maging negatibo ang susunod na confirmatory test, ito ay dahil sya mismo ay nakaranas na ng ganun, ang una nyang test at positibo at ang sumunod na test ay negatibo, dahil daw ito sa masyadong sesnsitive ang rapid test at maraming factor ang pwedeng maging dahilan para ito ay magkamali. nagbigay din si migs ng isang example na ganun din ang nangyari.
dahil sa mga encouragement na natatanggap ko kina migs, jamil at jimboy, medyo lumuwag ang aking pakiramdam , gayunpaman sinabi ko rin sa kanila na nataggap ko na kahapon pa kung sakaling magiging positibo and resulta ng aking tests. para sa akin mas magiging madali ang tanggapin na lamang ng maluwag kung positibo man ako, at anu pa mang pagpapalakas nila ng loob sa akin na maaari pang mag-negative ang resulta ay parang hindi masyadong nagmamarka sa aking kalooban. marahil likas na sa loob ko na maaga pa lang ay tanggapin na kung anu man ang mas malagim na resulta kaysa paniwalain pa ang aking sarili at paasahin na negatibo ako at sa bandang huli’y positibo naman pala talaga. ng sa ganitong paraan ay magsimula na kaagad ang pagusad ng aking buhay at hindi na paulit ulit na maranasan ang pagkadismaya at pag dadalamhati sa tuwing may darating na bad news. sinabi ko sa kanila na anuman ang mangyari tanggap ko na kung positive man ako, at kung magiging negative man ay bonus na lang iyon para sa akin… sa mga pangyayari kahapon, parang mas maliit na lang ang tsansa na magiging maganda ang resulta ng test ko. at pinaghandaan ko na ito.
pagsapit ng 10am , humiwalay na si migs sa coffeeshop (para sa kanyang meeting) at tuluyan na akong inihatid ni jimboy at jamil sa social hygiene clinic, ibinilin din ni migs na tatawagan nya ako as soon as matapos ang konsultasyon. mabilis ang naging biyahe naming at walang 15 minuto ay nasa clinic na kami. doon ay nakilala ko si ms. veron (ang nurse na hindi available kahapon) sinabi ko na andun ako para kunin ang resulta ng aking HIV screening at itinanung ko kung pwedeng samahan ako ni jamil sa loob para sa counseling. sinabi ni veron na mahigpit ang proseso nila at hindi maaring may kasama sa counseling at talaga daw dapat na one-on-one lamang ito. naiwan sina jamil at jimboy sa reception at ako ay dinala sa loob ng clinic kung saan ako ay pinakilala ni veron kay doktora tuaño, naalala ni doktora na ako yung tumawag kahapon at himingi sya ng paumanhin sa kanyang dagling paglisan dahil sa isang importanteng meeting sa city hall. dagling dinala ako ni veron sa isa pang pribadong kwarto at duon ay sinimulan na niya ang pre counseling session, nakita kong hawak na nya ang official form at nakainput na duon ang mga impormasyon na ibinigay ko kahapon, patuloy lang na inisa isa ni veron ang mga sensitibong katanungan sa form na iyon. aktibo sa sex? anal o oral? sa babae o sa lalaki? mutiple partner? paggamit ng drugs? kung nakapagpatest na dati? anung gagawin kung positibo ang lalabas sa resulta? kung kailan ang huling sex? --- mga madedetayle at sensitibong mga tanung, may panaka nakang hesitasyon si veron sa ilang mga sensitibong tanung na para bang nahihiya at hindi sya sigurado kung bakla ba ako o hindi. samantalang tuloy tuloy at walang hesitasyon naman ang mga ibinabalik kong sagot sa kanya, mga sagot na wariy pati sya ay di niya inaasahan na mangagaling sa akin. oo marami na rin akong mga kakaibang karanasan, halos lahat yata naranasan ko na, hindi na ako nahihiyang aminin ito, sa ngayon ay hindi ko na iniisip pa ang magsinungaling, ang nais ko lamang ay malaman kung anu ang katotohanan sa aking kalagayan. tumagal ng mga 30 minuto ang pre-counselling, sa bawat mga tanung at sagot ay may mga kaukulang eksplanasyon si veron, pero dahil alam nyang health allied din ang propesyon ko dati ay batid nyang hindi na kailangan pang sermunan ako tungkol sa mga kahulugan ng HIV/AIDS at mga moda ng transmisyon nito. gusto ko si veron, maamo ang mukha niya, malumanay magsalita, kalmado at pwede mo ng ituring na tita o nanay kumbaga, panatag ang kalooban ko sa kanya, epektibo sya sa pag counsel sa akin. makailan beses did nya akong tinanung kung may mga gusto pa akong malaman bago kami pumunta sa resulta, at ng sa wakas ay naubos na aking katanungan ay inilabas nya galing sa drawer ang 8 maliliit na kahon ng condoms, durex ang brand, strawberry flavor pa. naglaro ang aking isip 8 x 3 = 24 branded flavored condoms, hmmmm mahal din ang mga ito, malaki rin pala ang pakinabang ng pagpunta ditto (wahehe). kinuha nya logbook at akoy pinapirma para sa mga condoms, inalok pa ako ng mga puting condoms na hindi branded na ang suspetsa ko ay galling sa UN-AIDS, katulad nga mga natanggap ko nuon ng minsan ay proyekto ako sa kanila. tumaggi ako dahil sa palagay ko ay sapat na yung 24 na binigay niya sa akin. matapos yun ay kagyat na inutusan ako ni veron na kunin ko na ang resulta sa laboratory sa 4th floor at ibaba ko ulit sa kanya para sa susunod na proseso. lumabas ako ng kwarto ng nakangiti, sa reception nakita ko sina jamil at jimboy na nakikipagkwentuhan sa ilang empleyado ng clinic, pagdaan ko sa harap nila, kagyat kong binaggit na di ko pa alam ang resulta at kukunin ko pa sa itaas ang resulta at pre-counseling pa lang ang natapos ko.
sa panahong yaon ay magaan ang akin loob dahil halos lahat naman sa loob ng clinic ay masaya at magiliw at sa kadahilanang maganda naman ang kinalabasan ng pre-counseling session, sa isip ko ay ito ang tamang proseso ng testing at unti unti ng umuusad ito. so far so good kumbaga. dumiretso ako sa 4th floor at pagbukas ko ng pintuan ay nagulat ako dahil may kausap na lalaki ang med tech na narooon, mukhang may pre-counselling din na nangyayari, napansin ko rin na cute si kuya, as in cute talaga. paintay na lang sa labas sabi ng medtech dahil hindi pa sila natatapos. naghintay ako sa labas ng pinto at makalipas ang ilang sandali ay lumabas na ang med tech na may dalang papel at sinabing sundan sya pababa kay doktora. pagdating sa ibaba pinaupo muna ako kasama sina jamil at jimboy sa reception at dumiretso ang medtech sa loob ng kwarto kung saan nandun si doktora tuaño. naghintay akong ilang minuto at nakipag kwentuhan ng kaunti kina jamil…
mayamaya lamang ay pinatawag ako ni duktora sa kwarto at ng akmang mauupo na ako sa upuan ay nagsalita siya…
No comments:
Post a Comment