(part 2) mayamaya lamang ay pinatawag ako ni duktora sa kwarto at ng akmang mauupo na ako sa upuan ay nagsalita siya, ‘positibo kasi ang lumabas sa test mo kaya kailangan muna naming ipadala sa san lazaro for confirmatory test ang screening mo’ bigla akong napaupo, parang hindi malinaw ang pagakakarinig ko, bigla akong nawalan ng ulirat at bahagyang gumaralgal ang aking boses, ramdam ko na parang bumabaligtad ang aking sikmura - “so reactive po ang resulta doktora?” - “oo kaya kailangang ipadala natin sa lunes for confirmatory testing, it would take 2 weeks to get that result. nasa loob rin ng room and medtech at si veron na nakamasid. “kaya pala hindi ini-release kahapon ang resulta dahil nag positive nga” ang sabat ni veron. sabi ko “so anu po ang next step natin maghihintay na lang o kailangan nap o akong mag gamot?” - “oo maghihintay tayo, pag positibo pa rin yun, tsaka pa lang natin gagawin ang iba pang mga test pati cd4 count mo para malaman kung anung status ng health mo at kung anung next step natin.” “kailangan mong hintayin ang tawag namin para sa resulta ng confirmatory test, ipatatawag ka ulit namin dito” sunod sunod niyang sinabi” . nagtanung ako “duktora, ano po ang chances or percentage na magnenegative pa ang confirmatory test based duon sa karanasan nyo sa clinic na ito?”. “base sa karanasan naming wala pang nagnenegative sa confirmatory test na pinapadala namin sa san lazaro.” . “okay” – natame na lang ako.
pumasok si veron sa loob ng hiwalay na counseling room, nag excuse ako at sinundan siya sa kwarto. “ate di ba early 2009 ako huling nagpatest at negative ako, so kung positive ako ngayon, possible ba na kung January 2011 ako nagkaunsafe sex eh mag appear na kaagad ngayon ang resulta?” “oo possible na yun” and matipid na sagot ni veron. nasa isip ko gusto ko lang matrace kung anung pagkakataon ang maaring naging dahilan ng pagiging positive ko ngayon. madaming tanung na biglang nagsusulputan sa isip ko, pilit na inaalala ang mga pagkakataong nagkaroon ako ng sexual contact, sino? saan? paano? kailan? kung positibo ako ngayon? pano ang mga kamakailan ko lang nakasex? nagblablanko ang isip ko, maraming katanungan… matapos ang ilan pang mga katanungan at pagpapaalam, pansin ko ang kalungkutan sa mga mata ni duktora, ng medtech at si ms. veron na mukhang worried na worried sa akin “sigurado ka bang okay ka lang bong?” “okay lang po ako ate, andyan naman po ang mga kasama ko eh basta tatawag po ako pag may tanung pa ako” ito lang ang naisagot ko sa kanya.
lumabas ako ng kwarto, kalmado at medyo nakangiti pero ramdam ko na tinatraydor ako ng aking mga paghinga, medyo gumagaralgal and mga panga ko… ramdam ko pa rin ang na nakapilipit ang aking sikmura. “tara na!” at sumunod sina jamil at jimboy sa akin pababa at palabas ng building papunta sa kanto kung saan nagpark si jamil ng kanilang kotse. habang pasakay na kami ng kotse wala na kong ibang nasabi kungdi “sinabi ko na sa inyo guys eh” . pagkaupo, hinagilap nila ang aking kamay at mariing pinisil. nagsimulang tahimik ang aming biyahe pabalik sa coffee shop na pinag almusalan naming. maya maya ay nagsimula na naman ang diskusyon ukol na potensyal na magnegative pa ang confirmatory test na gagawin. may suhestiyon si jimboy na kumuha ng panibagong rapid HIV testing sa isang pribadong clinic na malapit sa lugar naming “just to reconfirm the initial findings” sabi nya. hindi na ako pumayag. ang sa akin lang, kahapon ko pa natanggap na malaki ang potensyal na maging positive ako, mahirap mang isipin, hindi pa ako umiiyak at wala akong nararamdamang kailangan kong umiyak dahil sa mga pangyayaring ito. gusto ko lang magsimula na agad na harapin ang kalagayan ko, ayoko ng bigyan pa ng false-hope ang aking sarili sa isang bagay na alam ko naman na maliit na lang ang potensyal na mangyari. kung kailangan tanggapin na ngayon, tanggapin na lang. oo maghihintay pa ako ng 2 linggo pero ang alam ko sa ngayon POSITIVE ako. yun ang totoo, anu ang gagawin ko mula sa araw na ito.
naintindihan nina jamil ay jimboy ang punto ko at tinaggap na rin nila ang aking argumento. sabi nila naghihintay na si migs sa coffee shop at tumawag daw sya kanina habang nasa pre counselling pa ako, to check kung anu ng nangyayari. pagdating sa coffee shop nakangiti ako kay migs, malungkot ang itsura nya, ganun din si jamil at jimboy. “sabi ko na sayo migs!” tahimik, kaunting diskusyon sa mga kung anung nangyari sa counseling, di ko na matandaan ang aming mga iba pang pinagusapan, maya maya ay pinauwi ko na sina jamil at jimboy dahil alam kong kulang na kulang pa sila sa tulog, nagpasalamat ako ng marami at niyakap sila ng mahigpit na mahigpit, lumisan na rin kami ni migs dala ang kanyang sasakyan, sasamahan daw nya ako today so dumiretso kami sa aking trabaho at duon tumambay, walang patid ang kwentuhan at isineshare ko sa kanya kung anu ang mga plano ko na kahapon ko pa mga pinagiisipan, anu ang mga kailangang gawin, alin ang kailanagan mga bigyan ng importansya.
Laki ng pasasalamat ko hindi ako iniwan ni migs nung hapon na yun, tumambay lang kami sa trabaho ko at nagonline ng kaunti, nabanggit ko sa kanya na malamang magbubukas ako ng anonymous blog tungkol sa HIV ko, alam ko kasing malaki ang maitutulong ng blog na ito para sa ibang tao, gayundin parang therapy na rin sa akin ito. makailang ulit ko ring binibiro si migs nung hapon na yun, kasi everytime na nakikita kong nalulungkot sya para sa akin, chinecheer-up ko sya, “okay lang yan migs, ikaw pala ang kailangan ng counseling eh, hahaha” matatawa lang kami pareho. madalas ko syang binibiro.
Nung gabing yun tinagpo naming ni Migs si Don, ang isa sa pinakamalapit kong kaibigan, parang bestfriend ko sya sa 3 taon na pagkakakilala namin, ang intension ko ay ipaalam na rin sa kanya. nag shopwise muna kami sa libis, nag dinner ng chinese food, nakipagmeeting pa kami sa greenhills about sa isang project. buong gabi ay nagpaparamdam at nagjojoke ako tungkol sa HIV at ang importanteng araw na July 1 at pagiging positive, pangiti ngiti lang si migs, mukhang hindi nagegetz ni don na totoo yung mga joke. marahil ito ay dahil madalas naman talaga kaming magbiro about being hiv positive. ang diperensya lang ngayon totoong positive nga ako, at everytime na indirectly nagpaparamdam ako kay don, nagkakatinginan at nagkakangitian lang kami ni migs. kahit ako nahirapan, parang hindi ko yata kayang sabihin ng diretsuhan kay don, lalung lalo na sa seryosong paraan, kaya sinasadya kong magjoke about it every chance nung gabing yun. siguro napansin nya na andaming kong hiv jokes that night, hindi ko alam, pero mukhang hindi pa rin nya nagegetz, hanggang sa huling sandali na patapos na ang meeting naming at dapat ay maguuwian na kami, mga midnight na yata yun. “hindi nga? hindi nga? wag kayong magbibiro ng ganyan?” sabi ni Don. nakalimang minuto yata kaming ganun bago nag sink in kay Don na hindi na nga kami nagbibiro. nanlulumo sya, pakiramdam ko naaawa ako sa kanya dahil nararamdaman nya para sa akin, nalungkot ako, hindi sya makapaniwala “eh papaano nangyari yun eh lagi ka ngang safe sex, ikaw nga ang palaging nagbibilin at nangangaral ng condom?” sabi nya na parang naninisi. “eh ganun talaga eh?” di ko rin alam kung anu ang isasagot ko sa banat nya.
sa halip na naguwian eh bumagsak kami sa isang coffee shop sa timog, nanlulumo si Don at kailangan i-counsel namin sya, kailangan i-process ang kanyang nararamdaman at hindi naming sya basta maiiwanan. tumagal ang session ng mga isang oras bago kami nag decide na magsipag uwian na. inalok pa ako ni Don na sa condo na nya matulog, worried sya na mag isa ako nuong gabing yun. sabi ko naman, hindi na kailangan, kaya ko to. May konting worry din ako, papano kung mapagisa ako, magbrebreak down kaya ako? pero mukhang hindi naman kaya pinauwi ko na sila.
pagdating ko sa bahay kalmado ako, konting lungkot, pero kalmado, wala na yung feeling na baliktad ang sikmura, medyo pagod pero mabilis pa rin ang tibok ng dibdib… kelangan kong magsulat bago ko malimutan ang mga damdamin ko. makapagbukas nga ng blog. kelangan kong irelease to… i need therapy.
4am na yata ako natapos sa aking blog layout at first entry.
ito na yun, makatulog na nga
ito ang aking diary
BONG
No comments:
Post a Comment