13 araw na ang nakalilipas ng malaman ko ang malungkot na balita. reactive ang resulta HIV screening ko. POSITIVE.
ako si bong. nasa 30s. single. isang propesyonal at baguhang businessman. mahilig din ako sa arts. sabi nila masayahin daw ako at may reputasyon sa pagiging masyadong mabait, parating nakangiti. ako ang taong hindi mahirap pakisamahan at madaling mag adjust dipende sa mga taong kasama ko. dahil dito marami akong kaibigan.
mahina ang loob ko sa komprontasyon, hangga’t maiiwasan ang makipag away ay gagawin ko at ako na lang ang tatalima. ganun talaga yata ako, sadyang positibo ang pananaw sa buhay. kung maaring maiwasan ko ang mga negatibong bagay ay gagawin ko. lagi akong handang umusad at harapin kung anu man ang ipukol sa akin ng tadhana. sayang ang oras para magmukmok, para umiyak, dapat itong iwasan.
para sa akin ang bawat tao ay unique at may angking kabaitan, at madalas ay kailangan lang nating makita ang kalooban ng bawat isa, walang bias, walang paghuhusga, at tanggapin sila ng buo at isa alang alang na sila ay produkto lamang ng kanilang nakaraan at pinagdaanan. dahil sa paniniwalang ito, sa mahigit tatlumpong taon ng aking buhay, ay naging maligaya ako, halos wala akong kaaway. wala akong naging malalaking problema. until now.
masuwerte ako na ipinanganak ako sa above-average na pamilya, napagpaaral kaming magkakapatid ng aming mga magulang at kailanman ay hindi ako pinuwersa ng aking mga magulang na sumuporta o sumustento sa kanilang mga pangangailangan. naging independent ako at easy-go-lucky. marahil ay sapat na sa akin na maayos ang kininkita sa trabaho at may konting laman ang aking bangko na sapat lamang sa ilang kinakailangan luho sa aking katawan. paminsan minsang paglabas ng ibang bansa, hobby ko yun, pakiramdam ko na eenergize ako pag bumibiyahe ako, kahit local o intenational trip. pinipilit kong bumiyahe taon taon.
isa akong MSM, PLU, BAKLA, HOMOSEXUAL --- bata pa lang ako alam ko na ito, marahil ramdam na rin ng lahat ang pagiging malambot ko nuong una pa lang. bagama’t walang harapang tinatanung ang aking kasarian, mula ng magkaroon ako ng maayos na trabaho ay hindi ko na itinatago ang aking sexual preference. okay na sa mga bagong kaibigan na malaman nilang bakla ako. iniiwasan ko lang na maging out sa aking mga kamaganak at mga lumang kaibigan. marahil ay sadyang naiilang pa rin ako.
sa loob ng 13 araw na iyon, maraming unti unting nagbabago sa aking buhay. maliban sa masamang balita ng HIV, ay halos magaganda naman lahat ang mga pagbabago sa buhay ko. mga bagay na kusa kong dinesisyunan. marahil ito ang isa sa pinaka magandang epekto ng HIV sa buhay ko. ngayon pa lang ay sadyang pinapahalagahan ko ang bawat araw ng aking buhay, bawat minuto. dahil dito nagsisimula na akong magfocus sa mga bagay na mahalaga sa aking pagkatao.
kalusugan. na-renew ko na ang Philhealth ko, malaki daw ang maitutulong nito sa pagdaraanan ko. nag enroll na rin ako sa gym, tatlong araw na na akong naggygym. mahigit 4 na taon na yata akong hindi naggigym. masarap ang pakiramdam. sana ay unti unting gumanda ang resistensya ko. nagiging maingat na rin ako sa aking pagkain at pinipilit na lagyan ng limitasyon ang pagpupuyat, di katulad nung dati.
iwas stress. lie-low sa trabaho, magbigay ng mas maraming oras sa sarili at magpahinga. madalas hinahanap ko ang mga barkada ko, basta may mag aya, magkape, mag mall, mag sine – sama kaagad ako. medyo magastos na lifestyle pero sana ay makayanan ko, masaya ako pag kasama ko sila, sa kanila ako humuhugot ng lakas ng loob. so far so good.
bago pa man ako naging positibo sa HIV, aktibo na ako sa advocacy ng HIV education and prevention. nagsimula ito mga 3 taon na ang nakakaraan. nuong una ay hindi ko inaaalintana ang HIV, di ko ito pinapansin, maliban sa napagaralan ko sa kolehiyo, ay wala na akong kaalaman ukol dito. 3 years ago ng may kauna unahang kaso ng HIV/AIDS sa mga taong personal na kakilala ko. mula nuon namulat ang aking mata sa katotohanang andito na sakit na ito, tunay na nangyayari, at sa aking mga kakilala. mula nuon, sa mahigit tatlung taon, apat na yata sa aking mga kakilala ang namamatay sa sakit na ito. may mangilan ngilan na rin akong kilalang positive. kaya nga mula nuon ay naging aktibo na ako sa advocacy na ito, hanggat may maitutulong ako, ginagawa ko.
kamakailan lamang ay nakatanggap ako ng sertipikasyon para maging HCCT (HIV Confidential Counseling & Testing) Counselor. medyo mabigat sa dibdib na mag training para maging counselor dahil mahigit ilang araw pa lang ako na-didiagnose na positive. pero kinaya ko. tinapos ko para maipagpatuloy ang advocacy na ito. during the training may mga nakilala na rin akong mga kapwa positive na mga kaibigan. tunay ngang marami silang nasa palibot lang natin, hindi lang natin alam. nasa paligid lang sila. nasa paligid lang KAMI. kasama ninyo.
ito ang aking diary
BONG
How long is the HCCT training?
ReplyDeleteUsually 4 days, dipende kung saan ka kukuha... DOH angsome faith-based group are doing these. i think TLF is also doing this. Email me for referrals. Thanks po.
ReplyDelete