Showing posts with label party. Show all posts
Showing posts with label party. Show all posts

Monday, August 1, 2011

Happy 1st Monthsary???

kamusta kayo?  happy ba?

it's my 1st month as an HIV positive person and so far so good naman, i am happy.  grabe andami ko yatang nagawa this past 1 month, sobrang busy... thats why di ako nakakapag update ng blog ko, pasensya na po kasi ayaw ko naman magpuyat kaya i try to get enough sleep as much as i can, kabilin bilinan ni Ate Shola.  ;)
1. SI ED. yes nasabi ko na kay Ed (my bestfriend).  he visited manila (he's from the south) so i took the opportunity to tell him. actually 2 araw na kami magkasama nun, i never got the chance to tell him at first, ayokong malungkot sya so i planned to tell him pag maghihiwalay na kami so when we were at tiendesitas at namamasyal, i decided to pull him aside and we sat sa isang wooden bench doon malapit sa mga pet shop.  hindi ko alam kung paano ko sasabihin and so i pulled out my iPad and have him read the DAY 2 - White Party entry.  yun yung entry where i texted him and i thought about him, my 2nd day.  habang nagbabasa sya, amused pa sya pangiti pangiti --- "hehehe, ako ito ah" tatawa tawa pa sya... tapos nung bandang nasa hulit na sya ng entry, naging quiet na sya, nangingilid ngilid na ang luha sa mga mata nya. so ayun nahawa na rin ako, medyo naluha luha na rin ako.  hindi naman sya sobrang umiyak pero napapansin na kami nung mga tao sa kabilang bench kaya pinigilan namin ang pumalahaw sa iyak.  siguro mga 30minutes kaming andun , di ko na matandaan kung anu pinagusapan namin. so ang ending sa halip na maghiwalay na kami nun at makatulog na sya for his early morning flight, eh di na sya natulog at sumama na lang sya sa aming gumimik at umattend ng isang birthday party.  hes back in the south, calls and text me often, checkin on me. am lucky to have a bestfriend like Ed.


2.  SI TOFFEE.  nasabi ko na rin sa kanya.  he is my longest ex more than 4 years kami.  nasa pilipinas sya for a 6-month vacation.  duktor sya.  ayaw ko rin sabihin sa kanya ng diretso so ang nangyari - 2 weeks after my rapid test, i got a call from Dr. Tuaño na dumating na ang confirmatory test galing San Lazaro, sealed daw ang envelope so i need to come and visit them sa social hygiene clinic nila.  the next morning i texted Toffee, sabi ko may importante lang akong pupuntahan at magpapasama ako sa kanya.  he said yes without asking any more questions.  sa taxi kwentuhan lang kami ng kwentuhan about his life abroad and my life here.  masaya, di ako nagpapahalata na ninenerbiyos ako.  pagdating sa social hygiene clinic dumiretso kami sa 2nd floor and nakita ko si Ate Veron, yung nurse na nagcounsel sa akin.  pinapasok nya ako sa counseling room, sinabi ko sa kanya na kasama ko ang friend ko na duktor at isasama ko sya sa loob.  naupo kami ni Toffee magkaharap sa table ni Ate Veron.  Inabot sa akin ni Ate Veron yung sobre, sinipat ko si Toffee, clueless sya, tahimik lang na nag oobserba.  binuksan ko ang sobre at binuklat ang confirmatory test result.  under sa Western Blot results naka check lahat - gp160, gp120, p66, p55, p51, gp41, p31, p24 at p17 - walang check ang p39 --- halos perfect score --- CONFEEEERMEEEED!    iniabot ko papel kay Toffee.  binasa nya ang mga nakasulat, blanko pa rin ang mukha, walang emosyon.  pinagpatuloy ko ang pakikipag usap kay Ate Veron at kung anu ang next step at paano ang endorsment sa treatment hub.  sa taxi pauwi, maraming tanung si Toffee, sinagot ko naman lahat.  marahil dahil duktor hindi sya mahirap paliwanagan.  ganundin eh sobrang positibo rin ang kanyang pananaw sa mga taong may HIV.  sa kanyang karanasan sa amerika, marami na syang nahandle na HIV patients at alam nya na hindi ito katapusan ng mundo.  sabi nya basta lagaan ko lang ang sarili ko at sa pamamagitan ng healthy living, i will be okay.  syempre importante pa rin daw ang ibayong pagiingat.  pinagusapan rin namin ibang bagay tulad ng sexlife and even party drugs, sobrang open ako sa kanya - sinasabi ko lahat, sometimes i think he knows me better than anybody else in this world.  sana eh siya na lang ang duktor ko forever, sana eh dito na lang sya sa pilipinas. i feel safer when he's around.  

3.  RITM - Research Institute for Tropical Medicine.   ito ang aking treatment hub.  medyo may kalayuan pero kumpara naman sa mga bad stories na naririnig ko about PGH and San Lazaro, i opted to go to RITM instead, mas magastos, mas malayo pero mas maganda ang facility at mas warm ang mga tao.  mababit sila lahat... si Ate Shola... si Ate Letlet, si Dra. Ditangco... i feel safe with them.   mga 2 weeks din ako pabalik balik sa RITM, sankaterbang lab tests for the baseline.  kailangan daw ito para malaman ang health status ko so lahat kailangan i-check.  gumastos ako ng kulang kulang na Php 5,000 to get all the tests done, some are free, some are not.  bawat ospital iba iba ang patakaran.  ang mga first timer daw sa San Lazaro wala pa daw 1k ang babayaran - i actually visited San Lazaro in an attempt to get my baseline tests done without spending too much.  pero my initial visit to San Lazaro just confirmed some horror stories about the place, wala ring available na duktor so i decided to abort the plan.

4.  CD4 Count = 379.   this is my first CD4 count result.  i was hoping it's higher but nevertheless it's a good count na rin.  all my laboratory tests results are also good, am in almost perfect condition except for my HIV. Stage 1 Asymptomatic.  that the BEST news i can get.  maswerte ako nagpatest kaagad ako, ngayon maaagapan ko na ito at magagawan kaagad ng paraan.  sabi ni doktora option ko kung gusto ko ng magsimula ng gamot (ARV's)  sabi ko naman pagisipan ko muna, magreresearch muna ako about it. wala pa naman ako sa standard threshold na 350. so hindi pa urgent ang mag medicate ako...  sa aking isip i will make an informed decision within the next 3 months.  hopefully everything will still be fine by then.

so happy ba ako?  i can say i am very happy, i got one bad news but all the others news that followed are good news.  busy rin ako sa trabaho most especially sa advocacy work ko. in the span of one month i feel like i have become a better person.  feeling ko rin andami kong naaccomplish sa buhay ko... it's a great start... i'm always looking forward to a great day.

HAPEEEEE!!!

ito ang aking diary

BONG


ps... eto pala ang mga tests na kelangan:



Sunday, July 3, 2011

Day 2 - WHITE PARTY

July 2, 2011 - Sabado

4am na yata ako nakatulog kaninang madaling araw at tinanghali na ako ng gising, sakto lang para magtrabahong muli, pati sabado may trabaho, hay buhay! dapat siguro eh baguhin ko na ang aking routine sa buhay, kung haharapin ko ang aking kalagayan, marami akong kailangang baguhin - mag hinay hinay sa trabaho, bawasan ang stress, alagaan ang katawan, magsimulang mag gym, magbakasyon sa probinsya.

kinagabihan, nagtext ako kay Don, kinakamusta ko sya. normally eh mabilis syang sumagot sa mga text ko, pero ngayon eh hindi sya sumagot.  matapos kong mag dinner eh  nakatanggap akong ng tawag at mga text galing sa mga barkada,  lahat eh nag-aayang  pumunta sa BED Malate para sa kanilang white party celebrations.  nung una parang tinatamad ako at gusto kong matulog na lang pero natatakot akong mag isa ng matagal na walang ginagawa, baka bigla akong malungkot. kaya napagpasyahan kong pumunta na rin sa malate para mag happy happy.  nagtext ulit ako kay Don para sabihin ang plano ng barkada, wala talagang sagot, nagworry ako ng kaunti.



habang nasa taxi papuntang malate, bigla kong naalala si Ed,  ang aking bestfriend, biglang tumulo ang aking mga luha, pilit kong pinipigilan pero di ko magawa.  konti lang naman ang tumulo per may konting pagdaramdam at kirot sa aking dibdib.

si Ed ang nagiisa kong  bestfriend mula nung  kalagitnaan pa ng 1990s matapos ang aming graduation sa kolehiyo, nakilala ko sya dahil nagkasama kami sa OJT kahit magkaiba kami ng paaralan, mula nuon ay naging matalik na kaming magkaibigan, mabait kasi yun, suuuuuuuper bait nga.  matagal na rin syang nakabase sa Mindanao dahil sa kanyang trabaho.  madalang na lang kami nagkikita. huli ko syang nakita nung kaarawan ko kung saan lumuwas pa sya ng maynila para makipag celebrate sa birthday ko. madalas nyang gawin yun – ang sopresahin ako pag may mga special celebration sa trabaho at sa personal na buhay ko. kaya naman mahal na mahal ko si Ed, walang kapantay.

naalala ko lang, mababaw ang luha ni Ed, madalas ko na syang makitang umiyak sa maliliit na bagay, pusong mamon-mababaw ang luha.  ng maalala ko sya naisip ko ‘anu kaya ang mangyayari kung sabihin ko sa kanya ang HIV status ko?’  bigla na lang akong napaluha sa taxi.  siguradong papalahaw sa lungkot ang lola mo. hay baka di ko rin makayanan at bumigay din ako.  andaming senaryo na pumapasok sa isip ko.  nalulungkot ako sa maaring maramdaman nya.

pagkadating ko sa bed malate, tinext ko si ed:
___
bong:  San ka?
ed:  Davao. Why?
bong: When r u coming to manila?
ed: Wala pa. Why? Any gimik?
bong: La lang miss lang kita
ed: Will try to join one of the meetings in mla within d month
bong: Okay keep me posted
___

siguro ay nanibago sya ng konti, out of the blue nagtext ako at sinabi ko pa na miss ko sya.  ngayon lang yata ako nagsabi sa kanya ng ganun.  siguro nakahalata yun ng konti na may problema ako, kilalang kilala nya ako, siguradong alam nya na kailangan ko sya.

ayaw ko naman sabihin sa text, naisip ko rin na ibigay na lang ang address ng blogspot na ito para mabasa nya lahat. pero natatakot akong baka masyado syang maapektuhan at mawindang ang trabaho nya at biglang sumugod sa maynila.  malakas pa naman ako, wala pa namang emergency, hihintayin ko na lang syang lumuwas ng maynila at saka ko sasabihin ang sitwasyon ko, sabay na lang kaming iiyak.
saka ko lang napansin, unti unti ng napupuno ang Bed Malate, andaming cute, everytime na may makikita akong type ko, may konting kirot at kalungkutan sa aking kalooban, naisip ko ‘dati  nga ang hirap hirap ng makakuha ng mr. right – pano pa kaya ngayon?’  hay buhay.

8 yata kami sa grupo nung gabing yun, halos kumpleto ang mga kaibigan. matagal tagal din akong hindi nakabalik sa Bed, andami kong nakikitang mga dati ng kakilala.  naramdaman kaya nila na mas mahigpit kesa sa dati ang mga yakap-bati na ibinabato ko sa kanila?  pinipilit kong parati akong nakangiti kahit maraming bagay ang pumapasok sa akin isipan.  kasama ko rin sina Jamil at Jimboy nung gabing iyon, pansin ko ang madalas nilang pagsulyap sa akin – parang naninigurado kung okay lang ba ako, paminsan-minsan ay niyayakap ako ng mahigpit.  salamat sa kanila.



masaya nung gabing yun, nageenjoy ang lahat sa kakasayaw at sa kwentuhan.  nag enjoy din naman ako pero wari ko ay parang medyo matamlay ang aking katawan, di ko alam kung pagod ba ako, o tumatanda na lang talaga ako, o  talagang ito lang talaga ang psychological effect ng sitwasyon ko.

medyo nalungkot ako, naisip ko kasi na pag maaga akong namatay, sobrang mamimiss ko ang mga happenings na ganito.  kailangan talagang simula ngayon ay alagaan ko ang aking sarili para di ko mamiss ang mga ito.  magi-gym na talaga ako sa lunes!

naisip ko rin, sino sino kaya sa mga tao na nasa Bed nuong gabing yung and HIV positive?  marami rin kaya kaming nagpapanggap at nagpupumilit na magpakasaya nuong gabing iyon?  wala siguro talagang makakasagot sa mga tanong na yan.  mukhang  lahat naman ng mga tao dun healthy, pati ako mukhang healthy… traydor talaga ang HIV!

alas 5 na yata ng umaga ng makauwi ako sa bahay, pagod na bumulagta sa aking kama, bago ako napapikit naisip ko ‘dapat siguro hindi na ako nagpupuyat ng ganito, dalawang araw na akong puyat. may sakit na ako, baka lalong makasama sa aking katawan.’.

ito ang aking diary

BONG